mahal kong mommy,
alam kong kakausap lang natin kaninang umaga. pero ang mga huli mong salita ay lubos na nakaapekto sa akin. ilang beses mo na itong sinasabi, at tuwing sasabihin mo ito, hindi ko mapigilan ang umiyak.
nakatatawang isipin na kung kailan ako nagka-edad ay saka ka nag-aalala sa kapakanan ko. alam kong mahal na mahal mo ako, at bilang ina siempre hindi mo mapigilan ang mag-alala sa akin -- lalo na ngayong nag-iisa na ako.
marami na akong pabor na hiningi sa yo, at alam kong mahirap na naman itong hiling ko sa yo. pero sana maintindihan mo ako.
kailangan kong maging matatag ka para sa akin. kapag ikaw na ang nag-aalala sa akin, natatakot na tuloy ako. ikaw ang pinanggagalingan ko ng lakas, at kapag ikaw ay may pangamba, hindi ko mapigilang manghina rin at matakot.
nalulungkot ako dahil nag-aalala ka ngayong mag-isa na ako. pero mommy, kahit naman noong hindi ako mag-isa, ako naman ang nag-aalaga sa sarili ko. hindi ko kailangan ng kasama sa bahay para mapanatag ang loob ko. sanay na ako. oo, nakakalungkot talaga, pero ayaw ko nang isipin ito.
Sana mapanatag ang loob mo na pinagpala ako ng Diyos sa aking mga kaibigan dito. Hindi nila ako pinapabayaan. Mapa-trabaho man o mapa-personal na kaibigan, lahat sila'y taos-puso ang pag-aalaga sa akin. Andiyan si Karen na parang nanay ko na. Si Charly, Matt at Jonah na parang kapatid, bayaw at pamangkin ko. Inampon na rin ako ng pamilya ni Charly, at inimbita pa nila akong doon magdaos ng Thanksgiving. Mom, si Richard na nasa Texas ay para kong kapatid na halos araw-araw ay kinakausap ako para mangumusta. Makinig sa aking halakhak at umiyak kapag ako'y nalulungkot. Si Christina na para kong Ate na palaging andiyan, nakaalalay. Si Suzanne na para kong bunsong kapatid. Si Lulubelle, Ron, Nikki at Vince, 4 na oras man ang layo sa akin pero para ko nang pamilya. Si Candy na kahit 3 oras late ay nakikipag-usap sa akin. Si Jay at Jet na kabarkada ko sa Cali, lahat sila, mom. Pati sila Jennifer, Peter, Richard at Olivia ay handang tumulong sa akin, anumang oras na kailanganin ko. Lahat sila, Mom, lahat sila nag-alala sa akin.
Para sa yo Mom, aalagaan ko ang sarili ko. Tingnan mo, pumayat na nga ako. at para sa akin, at para sa yo, titigil na talaga akong manigarilyo. Pangako ko sa yo. Iinom na ako ng vitamins araw-araw. At palagi naman akong nagdadasal.
Eto, sing pula na naman ako ng kamatis sa kakaiyak. Alam kong iyakin ako, isang katangiang hindi ko namana sa yo. Sisihin mo na lang ang tatay ko, na siguro ay masyadong emosyonal.
Hindi ko alam kung kelan uli tayo magkikita. Sa ngayon, pagtiyagaan na lang natin ang boses ng isa't-isa. Miss na kita mom, at wala akong ibang gustong magpahid ng luha at uhog ko, kundi ikaw.
Nagmamahal,
ang iyong panganay
Sunday, September 16, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment