Saturday, August 25, 2007

pagwawakas

disclaimer : the following is not a funny post. hence, the language of choice. if you want to laugh. skip this post.

mapagbiro talaga ang tadhana. hindi naging maganda ang simula ng aking umaga. may nasabi akong hindi maganda sa aking kaibigan na kanyang ikinasama ng loob, at akala ko'y patapon na ang araw na ito. mabuti na lang at nahawi ng konti ang aking lungkot at lito dahil sa pagbisita sa cyberspace ng isa sa aking mga estudyante, na aking ikinagalak.

but wait, there's more. bandang alas dose tumawag sa akin si p at nakikisuyong hiramin si bruce para mapuntahan niya ang apartment na balak niyang lipatan. sinundo ko siya sa kabilang panig ng GWB at tumungo na kami sa lugar na iyon.

malamang nanibago siya sa aking timpla. walang luha, wala nang mga paghawak-hawak sa kamay at pisngi. nanatili ako kay bruce habang nakikipag-usap siya sa mga may-ari ng bahay.

umuwi na ako sa aking tirahan, at sumama siya sa loob. kinabahan ako ng konti dahil hindi ko alam kung saan hahantong ang pagkikitang ito.

himala kung sa himala, pero parang ihip ng sariwang hangin ang aming pakikitungo sa isa't-isa. akala mo'y hindi kami naging mag-asawa, minsan sa isang panahon.

hindi ko mawari kung ano ang tumatakbo sa isip niya. may mga sandaling hindi ko maintindihan kung bakit ganoon na lang ang kalma ng aking dibdib. kadalasan, madaling madaya ang aking puso sa tingin, haplos at ngiti ng taong ito. hindi na lumulukso ang aking puso -- wala nang lukso ng samu't-saring damdamin, wala nang lukso ng sakit, wala nang lukso ng pangungulila sa pag-ibig na nawala. walang hirit na nakakasakit. wala nang pagtaas ng kilay. ngiti lang. ngiti ng pang-unawa.

alam kong darating pa ang mga sandali sa hinaharap na kukurutin ng tadhana at alaala ang aking puso, pero ang pagdaan ng bawat araw ay patungo sa pagsasara at paghilom ng pusong nasugatan. at balang araw, ang tibok nito'y magiging maliksi muli.

paalam sa unang pagkakataon.

2 comments:

mapet said...

natutuwa ako para sayo... :)

jane said...

aww, shucks. salamat mapet. sobrang na-aapreciate ko talaga ang mga chat natin, lalo na ang pasensya mo sa kakulitan pagkakilig ko.