Friday, September 14, 2007

Kasal, Libing

awitin : Seven Years ni Natalie Merchant


Alam kong darating ako sa petsang ito. Hindi ko ito inaabangan. Panibagong bagyo na naman ito ng mga damdaming ayaw ko nang balikan, ngunit kailangang harapin.

Pitong taon, hindi ako nakaabot. At bukas, sa oras na dapat sana’y puno ng saya sa pag-alaala ng mga salitang binitawan sa hangin, dadalo ako sa isang libing.

Matagal na ang lamay na ito. Pero bumabalik pa rin ang alaala ng sakit. Parang sugat na nilapatan ng band-aid. Andiyan pa rin ang peklat, na ipaaala sa akin na andiyan, andiyan ang sugat, huwag mong kalimutan.

Oo, medyo magaling-galing na ako. Pero ang mga multo ng alaala ay mahirap hulihin. Ibabaon ko ang singsing, trahe, mga larawan. Wala nang silbi ang mga ito. Matagal nang lumisan ang pagmamahal sa tahanang ito.
Hahayaan ko na lang tumulong muli ang mga luha. Matagal na rin akong hindi umiiyak. Hindi ko na lalabanan ito. Minsan nakakapagod rin ang palaging nagpapakatatag. Tatahan din ako.


At bukas, ang kandilang sisindihan ko ay kandilang panlibing.

Abo sa abo . At halaw sa bennu, babangon akong muli sa pagkamatay na ito.

1 comment:

egm said...

sa tamang oras at isang araw magigising ka at hindi na dadalaw and mga alaala. mahirap mang isipin na maari itong mangyari.